Patay ang isang 29 anyos na lalaki matapos itong masangkot sa aksidente partikular na sa Provincial Road ng brgy. Baloling sa bayan ng Mapandan.
Ayon kay PCAPT. Jimmy Paningbatan, ang siyang OIC ng Mapandan PS, kinilala ang biktima na si Jeffrey Orinion, residente mula sa brgy. Cabaruan San Fabian at na siyang nagmamaneho ng isang Black Neptune 125 motorcycle.
Nakabangga nito ang isa pang Black Honda TMX 125 motorcycle na pag mamay-ari naman ni Angelo Soriano, 25 taong gulang isang construction worker at residente ng brgy. Mermer, sa bayan ng Manaoag.
Sa imbestigasyon ng puliysa, lumalabas na nag overtake si Soriano sa blind curve ng mga sandaling iyon at bigla na lang nag overheat ang kaniyang motor dahilan para sila’y mag banggaan ni Orinion.
Nagawa pang isugod sa Mapandan Community Hospital si Orinion ngunit idineklara na itong DOA habang si Soriano ay dinala naman sa Region 1 Medical Center at kasalukuyang inaantabayanan ang kondisyon.
Bagamat hindi lango sa alak ang dalawang motorista, napansin naman ng mga otoridad na bukod sa mabilisang pagpapatakbo ni Soriano ay kapwa pa sila walang suot na safety gear habang nagmamaneho.
Saad ni Paningbatan, batay sa kanilang talaan pang apat na itong vehicular incident sa kanilang lugar kaya naman patuloy ang kanilang panawagan sa mga motorista na ugaliing mag ingat at maging responsable sa pagmamaneho.