DAGUPAN CITY – Pumasok na sa ikaanim na araw ang digmaan ng U.S. at Israel laban sa Iran, na halos walang senyales ng paghupa, habang nanumpa ang Islamic Republic na paiigtingin pa ang kanilang pagganti na nagbunsod ng patuloy ding pagtaas sa presyo ng langis.
Ang mga Arab states sa buong Middle East kasama ang Israel ay nag-tatangkang harangin ang mga misil at drone na ipinadala ng Iran hanggang nitong Huwebes.
Pinayuhan naman ng Qatar ang mga residente na manatili sa loob ng kanilang mga bahay dahil sa mataas na antas ng banta.
Ayon sa Tehran, tinamaan nila ang isang oil tanker sa Persian Gulf, na nagpapakita ng panganib sa mga barkong naglalayag sa rehiyong mayaman sa enerhiya.
Patuloy na nagsasagawa ang Israel ng sunod-sunod na airstrike sa kabisera ng Iran, na tinatarget ang mga pasilidad ng militar at intelihensiya, kasunod ng mga pag-atake sa militanteng grupong Hezbollah sa Lebanon.
Sa ngayon, hindi bababa sa 1,200 katao ang nasawi sa Iran, at may ilan pang dosena sa ibang bahagi ng rehiyon.
Sinabi ng Islamic Revolutionary Guards Corps ng Iran na lalo pang titindi ang kanilang mga ganting pag-atake sa mga susunod na araw, ayon sa Nour news agency.
Samantala, nanindigan din si US president Donald Trump na nagsabing maayos ang takbo ng laban at maging ang White House ay nagpahayag na malapit na nilang makamit ang ganap at lubos na kontrol sa himpapawid ng Iran.
Nangako rin ang Iran na tutugon sa paglubog ng isang barkong pandigma sa baybayin ng Sri Lanka ang unang pagkakataon mula noong World War II na umatake ang isang submarino ng Amerika sa isang surface vessel na lalo pang nagpalawak sa saklaw ng digmaan.
Sa kabuuan, humigit-kumulang isang dosenang bansa na ang nadadamay mula nang simulan ng Estados Unidos at Israel ang kanilang kampanya noong Pebrero 28.










