Patuloy na bineberipika ngayon ang mga ulat na nasawi sa isa na namang airstrike ang kade-deklara pa lamang na interim Supreme Leader ng Iran na si Ayatollah Alireza Arafi, ilang minuto lamang matapos ang pormal nitong pagkakatalaga sa pwesto.

Nauna rito, pormal nang itinalaga si Ayatollah Arafi bilang miyembro ng temporary Leadership Council ng Iran kasunod ng pagkasawi ni Supreme Leader Ayatollah Ali Khamenei sa serye ng US-Israeli strikes.

Batay sa ulat ng state media bago ang sinasabing panibagong pag-atake, makakasama sana ni Arafi sina President Masoud Pezeshkian at Chief Justice Gholamhossein Mohseni Ejei upang pansamantalang gampanan ang mga tungkulin ng Supreme Leader habang hindi pa nakakapili ng kahalili ang Assembly of Experts.

--Ads--

Kaugnay ng pagkasawi ni Khamenei, nagdeklara ang bansa ng 40-araw na pagluluksa. Magkakahalo naman ang naging reaksyon sa Tehran; marami ang nagluksa at sumigaw ng protesta laban sa Amerika at Israel, habang may naiulat din na palihim na pagdiriwang ng ilang residente.

Bago pa man ang mga ulat hinggil sa sinasabing pagkasawi ni Arafi, mariing kinondena ni President Pezeshkian ang pagpatay sa kanilang yumaong Supreme Leader at tinawag itong declaration of war against Muslims.

Inaabangan pa sa ngayon ang opisyal na kumpirmasyon mula sa pamahalaan ng Iran at state media hinggil sa tunay na sinapit ni Ayatollah Arafi matapos ang naiulat na airstrike.