Nagpahayag ng pagkabahala ang PAMALAKAYA Pilipinas sa tumitinding tensyon sa West Philippine Sea kasunod ng insidente sa Ayungin Shoal kung saan umano’y hinataw ng baton sa ulo ng isang personnel ng China Coast Guard (CCG) ang isang miyembro ng Philippine Navy sa naganap na komprontasyon kamakailan.
Ayon kay Fernando Hicap, Chairperson ng PAMALAKAYA Pilipinas, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, ang panibagong insidente ng umano’y harassment ng China Coast Guard ay patunay na patuloy na umiigting ang tensyon sa West Philippine Sea.
Nagpahayag din si Hicap ng pangamba na maaari pang lumala ang sitwasyon dahil sa umano’y propaganda war, kasunod ng pagkalat ng isang AI-generated video na naglalarawan sa mga Pilipino bilang mga unggoy.
Aniya, isa itong anyo ng racism na hindi katanggap-tanggap at nararapat kondenahin.
Iginiit din ni Hicap na nananatiling mahalaga ang 2016 Arbitral Award sa usapin ng West Philippine Sea. Kasabay nito, sinabi niyang ang isa sa mga kinababahala ng China ay ang umano’y patuloy na pagsunod ng administrasyong Marcos sa naratibo ng Estados Unidos.
Ayon pa sa kanya, ang mga mangingisdang Pilipino ang direktang naaapektuhan ng lumalalang tensyon at ng alitan sa pagitan ng China at Estados Unidos kung saan nagagamit ang issue sa West Philippine Sea. Aniya, may pangamba silang ang patuloy na pag-init ng sitwasyon ay maaaring humantong sa armadong komprontasyon o digmaan.
Dahil dito, nanawagan si Hicap sa pamahalaan na resolbahin ang isyu sa pamamagitan ng seryoso at diplomatikong pag-uusap upang maiwasan ang lalo pang paglala ng tensyon. Aniya, nananatiling mapayapang solusyon ang pinakamainam na paraan sa pagresolba sa sigalot sa West Philippine Sea.










