Nanawagan ang PAMALAKAYA sa pamahalaan na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa sunod-sunod na fish kill sa Laguna Lake at tukuyin ang mga posibleng pinagmumulan ng pagkamatay ng mga isda.
Ayon kay PAMALAKAYA Vice President Ronnel Arambulo, kailangang seryosohin ang insidente at panagutin ang sinumang mapatutunayang lumalabag sa mga regulasyong pangkapaligiran. Kabilang sa mga dapat suriin ang wastewater mula sa mga negosyo at pabrika, gayundin ang epekto ng iba’t ibang proyekto sa lawa.
Hiniling din ng grupo na itigil o masusing suriin ang mga reclamation project at iba pang aktibidad na maaaring makaapekto sa lawak at kondisyon ng fishing grounds. Kabilang din sa tinututukan ang planong floating solar project sa Laguna Lake, na ayon sa grupo ay maaaring higit pang magpabawas sa lugar na ginagamit ng mga mangingisda.
Iminungkahi rin ng PAMALAKAYA ang pagbubukas ng Napindan Channel upang mapabuti ang sirkulasyon ng tubig sa Laguna Lake at magkaroon ng palitan ng tubig-dagat at tubig-lawa. Ayon sa grupo, mahalaga ito sa pagpapanatili ng kondisyon ng lawa at sa mga yamang-tubig na pinagkukunan ng kabuhayan.
Iginiit ni Arambulo na hindi sapat ang paulit-ulit na pagsasagawa ng imbestigasyon matapos ang bawat fish kill. Kailangan aniyang matukoy at matugunan ang mga ugat ng problema sa pamamagitan ng pangmatagalang rehabilitasyon ng Laguna Lake.
Malaki rin ang epekto ng sitwasyon sa mga mangingisda at fish pen operators na umaasa sa lawa para sa kanilang kabuhayan. Bukod sa kita, binigyang-diin din ng grupo ang papel ng Laguna Lake sa suplay ng pagkain, kaya nananawagan ito ng sama-samang pagkilos ng mga mangingisda, residente at mga kinauukulang ahensya para sa pangmatagalang pangangalaga at rehabilitasyon ng lawa.










