Sinabi ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na posibleng simulan na ng Senado ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte dalawang linggo matapos matanggap ang articles of impeachment mula sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, kung maipapasa ito sa unang linggo ng Mayo.

Ayon kay Sotto, maaaring mag-convene ang Senado bilang impeachment court agad pagkatapos matanggap ang reklamo mula sa Kamara de Representantes, at sisimulan ang paghahanda para sa paglilitis na aabutin ng humigit-kumulang dalawang linggo.

Kasabay nito, binigyang-diin niya na agad aaksyunan ng Senado ang anumang impeachment complaint “forthwith” o agad-agad, alinsunod sa 1987 Constitution.

--Ads--

Tiniyak din niya na magiging patas ang Senado sa proseso at hinimok ang mga senador na posibleng maging senator-judges na manatiling walang kinikilingan, kahit pa may kani-kanilang political affiliations.

Pinabulaanan din ni Sotto ang mga alegasyong may nakaayos na boto laban kay Sara Duterte, at iginiit na maling magpakalat ng ganitong paratang dahil nakakasira ito sa institusyon.