Hindi kumbinsido ang political analyst at constitutional lawyer na si Atty. Michael Henry Yusingco sa takbo ng impeachment trial sa Senado. Aniya, sa halip na nakatuon sa batas at ebidensya, nagiging entablado na ito ng pulitika.
Sa panayam sa Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Yusingco na matapos niyang subaybayan ang walong araw ng pagdinig, napansin niyang mas nabibigyang pansin ang mga talumpati at political theatrics kaysa sa maayos na pagtalakay ng mga ebidensya.
Ayon kay Yusingco, ang pangunahing tungkulin ng mga senator-judges ay makinig, suriin ang ebidensya, at magpasya kung dapat bang mahatulan o mapawalang-sala ang respondent.
Aniya, ang mga tanong ng mga senador ay dapat para lamang sa paglilinaw at hindi ginagamit upang isulong ang kanilang personal o politikal na agenda.
Nilinaw rin ni Yusingco na hindi dapat ikinukumpara ang subpoena sa search warrant.
Pagbabahagi niya, magkaibang legal na proseso ang dalawa kaya wala umanong direktang kaugnayan ang kasong Stonehill v. Diokno sa isinasagawang impeachment trial.
Kinuwestiyon din ni Yusingco ang pagpayag sa NBI Director na tumestigo dahil sa posibleng conflict of interest.
Ipinaliwanag niyang dahil ang asawa nito ay kabilang sa mga mambabatas na sumuporta sa impeachment complaint, maaaring magkaroon ng pagdududa ang publiko sa pagiging patas ng kanyang testimonya.










