DAGUPAN CITY- Hindi nagtagumpay ang impeachment complaint ni Texas Democrat Al Green laban kay US President Donald Trump matapos pagbotohan ng House of Reprentatives na ibasura ito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Bradford Adkins, Bombo International News Correspondent sa USA, nagtapos ang botohan sa 344-79, pabor sa panig ng presidente.
Nabuo ang malaking boto matapos kumampi ang karamihan sa House Democrats sa mga Republican lawmakers.
Aniya, nagsimula ang impeachment complaint ni Rep. Green dahil hindi umano dumaan sa congressional approval ang pagpapasabog ni Trump sa tatlong nuclear sites ng Iran.
Giit pa niya na pinatunayan lamang nito na kinakailangan ng isang kamay na bakal upang mapanatili ang kaayusan sa buong mundo.
Hindi rin nagdulot ng kilos-protesta ang di pagtagumpay ng impeachment complaint sa presidente at nananatiling tahimik at mapayapa ang Estados Unidos.
Samantala, hindi na ito ang kauna-unahang impeachment complaint na nakaharap ni Trump.
Kung matatandaan na noong September 24, 2019 nang lumabas ang kauna-unahang impeachment case dahil sa di umanoy pang-aabuso ng kapangyarihan at paninira ng kongreso.