Dagupan City – Umapela ng tulong ang mga pampasadang tricycle driver sa lungsod dahil sa magkakasunod na pagsubok na pinalala ng pagbaha, kamakailang pagtaas ng presyo ng gasolina, at banta sa kalusugan habang namamasada.
Ayon kay Gaudencio Tamayo, Pangulo ng CENTRO Dagupan Federation, bagamat nagsisimula nang bumuti ang panahon, malaking hamon pa rin ang pag-iwas sa mga malalim na baha sa mga pangunahing kalsada tulad ng Mayombo, Burgos Street, at sa bahagi patungong Dagupan City High School.
Sinabi niyang napipilitan noon ang ilang na tumitigil muna sa pamamasada upang maiwasan ang pinsala sa mga bearing at makina ng kanilang mga tricycle na maaring magbigay sa kanila ng dagdag gastusin ngunit ngayon ay nagsisimula na silang bumalik dahil medyo humuhupa na ang baha.
Lalo pang pinalala ng ₱5.00 na pagtaas sa presyo ng gasolina ang sitwasyon ng mga driver, na nagdulot ng matinding pagkaunti ng kanilang pang-araw-araw na kita.
Upang makatipid, pinapayuhan ngayon ang mga driver na mag-abang na lamang sa mga terminal o pilahan sa halip na mag-ikot nang walang tiyak na pasahero.
Bukod sa usaping pangkabuhayan, binigyang-diin din ni Tamayo ang kaligtasan ng mga tsuper laban sa leptospirosis at iba pang sakit tulad ng ubo at sipon, partikular para sa mga may edad na.
Dahil nagkaroon na ng kaswalidad sa ibang asosasyon dulot ng sakit na leptospirosis kaya mas nagiging maingat na ang mga ito sa kanilang paglusong sa baha.
Pinayuhan niya ang lahat ng driver sa lungsod na magsuot ng bota habang namamasada at inihayag ang planong pakikipag-ugnayan sa mga kinauukulan upang makahingi ng gamot para sa pamproteksyon.
Ibinahagi naman ni Gerry Gapol, isang tricycle driver sa lungsod, ang hirap na kaniyang dinaranas lalo na kapag may nararanasang masamang panahon at walang pasok.
Ayon sa kaniya, kulang pa sa pambili ng pagkain at gasolina ang kaniyang kinikita dahil sa kaunting pasahero at sa limitadong kalsadang maaari nilang daanan.
Dahil dito, nanawagan si Gapol sa Lokal na Pamahalaan (LGU) ng tulong-ayuda para sa pamilya ng mga namamasada, at umaasang matutugunan ng LGU o ng LTFRB ang hinaing ng kanilang sektor sa gitna ng paulit-ulit na pagtaas ng presyo ng langis at problemang dulot ng baha.










