Dagupan City – Sa nalalapit na ika-4 na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., inaasahang muli nitong ibibida ang programang “P20 na bigas” at ang mga naganap na negosasyon sa Estados Unidos kaugnay sa agrikultura.
Ngunit para sa grupong Bantay Bigas, nananatiling malabo ang epekto ng mga ito sa tunay na kalagayan ng mga Pilipino—lalo na sa mga magsasaka at maralitang sektor.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Cathy Estavillo, Spokesperson ng Bantay Bigas, tila mangangako na naman kasi ang pangulo at tulad ng mga nakaraang taon, wala pa ring makabuluhang solusyon o programa para tugunan ang kagutuman at kahirapan sa bansa.
Matatandaang isa sa mga pangunahing pangako ni Pangulong Marcos noong kampanya ang pagpapababa ng presyo ng bigas sa ₱20 kada kilo.
Sa ilang pamilihan, may mga limitadong lugar kung saan sinimulan ang pagbebenta ng benteng bigas sa ilalim ng Kadiwa Program, ngunit ayon sa Bantay Bigas, ito ay hindi sapat at hindi rin sustainable.
Kabilang rin sa binatikos ng grupo ang patuloy na rice importation ng administrasyon.
Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), umabot sa mahigit 3.5 milyong metriko tonelada ang inangkat na bigas noong 2024, isa sa pinakamataas sa kasaysayan ng bansa. Ngunit ayon sa mga grupo ng magsasaka, hindi nito napababa nang malaki ang presyo sa merkado.
Sa darating na SONA, nananawagan ang Bantay Bigas sa pamahalaan na maglatag ng konkretong programa na tutulong sa mga lokal na magsasaka at magsusulong ng food self-sufficiency.
Ayon sa kanila, hindi sapat ang pagbebenta ng bigas sa murang halaga kung hindi naman natutugunan ang ugat ng problema—ang kakulangan sa suporta sa sektor ng agrikultura.