DAGUPAN CITY- Ipapatayo na ang pinakabagong ospital ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan sa bayan ng Alcala.
Ito ay matapos ipasa ng Sangguniang Panlalawigan ng Pangasinan ang Provincial Resolution No. 3419-2025, “Authorizing the Provincial Governor Ramon V Guico III to sign a deed of Donation and accept a 4,000 sq. meter lot in Alcala l, Pangasinan for the establishment of Government Hospital,” na inakda ni SP Member Nicholi Jan Louie Sison.
Ayon kay Vice Gov. Mark Ronald Lambino, ang presiding officer ng Sangguniang Panlalawigan ng Pangasinan, ito na ang pang-15 ospital ng lalawigan na tatawagin na Alcala Community Hospital.
Aniya, ang naturang ospital ay pagsisilbihan ang bayan ng Alcala, Bautista at Sto. Tomas.
Agad din sisimulan ang konstruksyon nito ngayong taon na may inisyal na pondo na P200 million.
Samantala, ibinahagi rin ni Vice Governor Lambino na nagpapatuloy ng accreditation ng Pangasinan Provincial Hospital o PPH San Carlos para maging tertiary hospital.
Kompleto na rin ang training programs sa OBGYN and pedriatic, susunod ang internal medicine at surgery.
Inihayag din ni Lambino na hindi lang nakatutok sa ospital ang mga proyekto ng Pamahalaang Panlalawigan kundi pati na rin sa edukasyon, agrikultura, imprastraktura at turismo na siyang priority programs ng administrasyong Guico.