Tinutulan ng Office of the Prosecutor ng International Criminal Court (ICC) ang hiling ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na huwag dumalo sa nakatakdang confirmation hearings sa susunod na linggo.

Sa inihaing dokumento , sinabi ni Deputy Prosecutor Mame Mandiaye Niang na walang karapatan si Duterte na basta na lamang i-waive ang kanyang pagdalo sa proseso.

Nabigo umano si Duterte na magbigay ng matibay na dahilan upang payagan ang pagdaraos ng hearing nang wala siya.

--Ads--

Matatandaan na sa kanyang kahilingan, iginiit ni Duterte na siya ay “matanda na, pagod na at mahina na” kaya nais niyang huwag nang dumalo. Subalit binigyang-diin ng ICC prosecutor na batay sa pagsusuri ng independent panel ng mga medical experts, si Duterte ay “fit, competent, at physically and mentally able” upang dumalo sa hearing.

Ayon pa kay Niang, ang patuloy na pagtanggi ni Duterte sa lehitimidad ng proseso ay hindi sapat na dahilan upang hindi siya dumalo.

Batay sa Rules of Proceedings and Evidence ng ICC, ang confirmation hearing ay maaari lamang isagawa kung ang Pre-Trial Chamber ay nakatitiyak na nauunawaan ng akusado ang kanyang karapatan na dumalo at ang kahihinatnan ng pag-waive nito.

Inaasahang maglalabas ng desisyon ang Pre-Trial Chamber bago ang nakatakdang confirmation proceedings sa Lunes.