DAGUPAN CITY — Sa kabila ng umiiral na mga flagship employment programs ng Department of Labor and Employment (DOLE), nananatiling malubha ang problema ng kawalan ng trabaho sa bansa, na ngayo’y umaabot sa tinatayang 2.6 milyong Pilipino.

Para kay Sonny Africa, Direktor ng IBON Foundation, malinaw na hindi sapat ang mga hakbangin ng ahensya upang tunay na tugunan ang ugat ng suliranin.

Ayon kay Africa, ang mga programang inilulunsad ng DOLE ay pawang mga band-aid solution lamang na sa halip na magpagaan sa sitwasyon ay lalo pang nagpapalugmok sa unemployment rate.

--Ads--

Binatikos niya ang mga aktibidad gaya ng job fairs na simpleng nag-uugnay lamang sa mga employer at naghahanap ng trabaho.

Aniya, taliwas ito sa dapat na pangunahing layunin ng pamahalaan—ang aktuwal na paglikha ng trabaho. Kung ang ekonomiya mismo ay hindi lumilikha ng sapat na oportunidad, hindi kailanman uubra ang mga programang ito, gaano man karami o kadalas itong isagawa.

Binibigyang-diin ni Africa na ang susi sa paglikha ng mas maraming trabaho ay ang pagpapalakas ng lokal na industriya at ang pagpapatatag ng lokal na agrikultura. Ang patuloy na pagbagsak ng ekonomiya sa mga sektor ng agrikultura at manupaktura ay itinuturing niyang pangunahing dahilan kung bakit dumarami ang mga Pilipinong walang pinagkakakitaan.

Sa halip na umasa sa pansamantalang solusyon, kinakailangan umanong proteksyunan ang mga magsasaka, lokal na industriya, at mga pabrika upang magkaroon ng matibay na pundasyon ang ekonomiya.

Isa ring ikinababahala ni Africa ang tila kawalan ng reaksyon at kongkretong aksyon ng pamahalaan sa paulit-ulit na problemang ito. Ang mga ahensiyang inaasahang mangunguna sa pagsugpo sa ekonomikong dilemma ng karaniwang mamamayan ay tila naging bulag at bingi na sa lumalalang sitwasyon.

Sa loob ng limang dekadang kabiguan ng mga administrasyon sa Pilipinas na umasa sa pagpasok ng dayuhang pamumuhunan, iginiit ni Africa ang tanong na: Kailan matututunan ng pamahalaan na ang tunay na sagot sa pag-angat ng ekonomiya ay ang pagpapalakas ng sarili nitong industriya?