Pinaghahandaan na ng House Prosecution panel ang nakatakdang oral arguments hinggil sa usapin ng 2/3-vote threshold sa nagpapatuloy na impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Magsasagawa ng oral arguments ang Senate Impeachment Court sa susunod na linggo kung saan inimbita rin ang mga retiradong mahistrado ng Korte Suprema upang magbigay-linaw sa tamang pagkwenta ng 2/3 vote mula sa kabuuang miyembro ng Senado, partikular na para sa mga senador na hindi nakikibahagi sa paglilitis.
Ayon kay Atty. Hez Montalan, Deputy Spokesperson ng House Prosecution panel, masusing sinusuri ng kanilang legal team ang lahat ng kaugnay na batas at jurisprudence na kanilang ihaharap sa korte.
Inihayag ng abogado na pabor ang panig ng prosecution na baguhin ang denominator mula sa kabuuang 24 na senador at ibilang lamang ang mga aktibong nakikibahagi sa trial, bagaman igagalang pa rin nila ang magiging huling pasya ng impeachment court.
Samantala, nanindigan din ang House panel sa kahalagahan ng pagpapatawag kay Davao City Mayor Baste Duterte matapos aprubahan ng impeachment court ang pagpapadala ng subpoena para sa kanyang pagharap sa susunod na linggo.
Lilinawin umano ng panel sa alkalde ang mga rekord ng negosyo ng Bise Presidente na nasa ilalim ng Office of the City Mayor, at nilinaw na ang pagpapatawag sa kanya ay batay sa opisyal na kapasidad at walang kaugnayan sa pagiging magkapatid ng dalawa.










