Hinimok ni dating house quad-committee chairman Robert Ace Barbers si dating presidential spokesperson Harry Roque na umuwi na sa pilipinas at harapin ang mga kinakaharap nitong kaso, matapos ma-deny ang asylum application nito sa Austria.
Ayon kay Barbers, dapat nang alisin ni Roque ang paniniwalang isa siyang mahalagang political figure na nangangailangan ng proteksyon sa ibang bansa.
Iginiit niyang wala nang ibang dahilan si Roque para patuloy na umiwas sa mga awtoridad.
Noong Setyembre 2024, idineklarang in contempt ng quad-committee ng 19th congress si Roque matapos umano itong mabigong isumite ang mga dokumentong ipinangako niya sa mga pagdinig.
Itinanggi rin ni Barbers ang paglalarawan ni Roque sa quad-committee bilang isang “Kangaroo court,” at sinabing nabigyan naman ito ng pagkakataong sagutin ang mga tanong ng panel.
Nauugnay si Roque sa imbestigasyon kaugnay ng umano’y human trafficking sa Lucky South 99 Offshore gaming hub sa Porac, Pampanga.
Itinanggi niya ang anumang pagkakasala at iginiit na politically motivated ang mga kaso laban sa kanya.
Para kay Barbers, ang mahalaga ay umuwi si Roque at sagutin ang mga tanong tungkol sa kanyang umano’y kaugnayan sa POGO.










