Nagsagawa ng rally ang grupo ng mga Pilipino na kinabibilangan ng pro at anti Duterte sa labas ng International Criminal Court (ICC) sa The Netherlands matapos ang pag aresto kay dating pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Sa panayam ng bombo Radyo Dagupan kay Garry Martinez, Spokesperson, ng Migrante- Europe, sinabi nito na magkahalong emosyon ang naramdaman ng ilang mga pilipino at Dutch citizen doon kung saan may natutuwa dahil sa kauna unahang pagkakataon ay mapapanagot ang dating pangulo sa ginawang pang abuso sa kapangyarihan at sa mga pinaslang sa panahon ng war on drugs ng dating administrasyon.
Sa pangkalahatan ay mapaya pa naman ang isinagawang rally bagamat nagkaroon ng sigawan at kantiyawan.
Maging siya ay emosyonal nang makita niya ang dating pangulo habang siya ay sinasakay sa eroplano para dalhin sa The Hague, Netherlands hindi dahil nalulungkot siya kundi may kasamang tuwa dahil maigagawad na ang katarungan sa mga biktima ng karahasan.
Giniit pa ni Martinez na hindi na sana humantong sa ICC ang kaso kung ginawa aniya ng gobyerno ang tungkulin na protektahan ang mga biktima at maresolba ang mga nangyaring pagpatay.
Kung wala naman talagang kasalanan ang dating pangulo ay madedepensahan niya ang kanyang sarili.
Naniniwala rin si Martinez na posibleng gagawa ng mga depensa upang madelay ang mga gagawing hearing pero umaasang huwag sanang dalhin sa Europa ang pagiging sanggano ng ilang opisyal sa bansa dahil tiyak na nakabantay ang mga Pilipino na naroroon.
Dagdag pa niya na responsilidad din ni pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ibigay ang anumang hihilingin ng prosecutor na manggagaling sa bansa.