Pinulong ni Executive Secretary Ralph Recto ang UPLIFT Committee noong nakaraang linggo upang palakasin ang paghahanda ng pamahalaan sa epekto ng tumitinding tensyon sa Middle East at muling pagtaas ng presyo ng langis sa mundo.

Ayon kay Recto, kailangang maagap ang pamahalaan upang maprotektahan ang mga Pilipino sa posibleng pagtaas ng presyo ng pamasahe, pagkain at iba pang bilihin.

Pagtiyak ni Recto na patuloy na mino-monitor ng pamahalaan ang sitwasyon sa Middle East at ang posibleng epekto nito sa presyo ng langis, suplay ng pagkain, inflation at ekonomiya ng bansa.

--Ads--

Sinabi ng UPLIFT Committee na handa itong dagdagan ang ayuda kung lalala ang sitwasyon.

Sa nasabing pulong, sinabi ng Department of Energy (DOE) na sapat ang suplay ng gasolina, diesel at LPG sa bansa. Noong Setyembre 14, may suplay na katumbas ng 57.2 araw para sa gasolina, 60.8 araw para sa diesel at 39.3 araw para sa LPG.

Siniguro naman ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na may sapat na pondo para ipagpatuloy hanggang katapusan ng taon ang cash assistance sa 7.5 milyong benepisyaryo ng pinalawak na UPLIFT program. Sa ngayon, 5.79 milyon na ang nakatanggap ng kabuuang P11.80 bilyon.

Para sa mga overseas Filipino na naapektuhan ng kaguluhan sa Middle East, sinabi ng Department of Migrant Workers na may sapat pang pondo para sa repatriation. Umabot na sa 14,026 overseas Filipinos ang ligtas na naiuwi hanggang Setyembre 11.

Itinaas naman ang fuel discount para sa mga kwalipikadong transport workers mula P10 tungong P12 kada litro, na maaaring magbigay ng hanggang P1,800 na matitipid kada linggo.

Patuloy rin ang toll exemption para sa provincial buses at iba pang commuter assistance, kabilang ang 50% fare discount sa MRT-3 at LRT-2 at Libreng Sakay.

Para sa mga magsasaka at mangingisda, 2.59 milyon na ang nakatanggap ng kabuuang P6.03 bilyong ayuda. Mayroon ding fuel assistance para sa 7,185 mangingisda at 13,701 magsasaka.

Sinabi rin ng Department of Labor and Employment na maaari nitong palawakin ang TUPAD emergency employment program para sa mga transport worker, magsasaka at mangingisda.  | Via Bombo Analy Soberano