DAGUPAN, CITY— Mas lalo pang tumindi ang nagaganap na violent dispersal na ginagawa ng mga militar sa bansang Myanmar mula nang magsagawa ng malawakang kilos protesta kasunod ng pagkakakulong ng kanilang lider na si Aung San Suu Kyi.
Ayon kay Bombo International Correspondent Atty. Jobert Pahilga, mas tumitindi pa ang girian sa pagitan ng mga militar at mga residente na gumagawa ng mga kilos protesta na nagresulta sa pagkakahuli ng maraming mga indibidwal at nasasaktan dahil dito.
Katunayan umano, tuluyan nang nasawi ang isang buntis na nabaril sa siyudad ng Yangon. Habang nasa kritikal na kalagayan naman ang isang nurse at guro matapos ding mabaril sa kasagsagan ng pagsasagawa ng mga protesta.
Kung kaya’t saad ni Pahilga, dumami pa ang mga galit na mga mamamayan na nagsagawa ng mga malawakang pag-aaklas.
Bukod pa rito, naglalagay na rin ng malalaking mga bato ang mga nagsasagawa ng mga protesta upang hindi makadaan ang mga sasakyan ng mga militar sa mga kakalsadahan.
Mayroon ding nadakip na 15 katao ang mga militar na naaktuhang nagsasagawa ng mga protesta.
Samantala, hindi rin umano alintana ng mga nagsasagawa ng protesta ang banta ng COVID-19 dahil gusto lamang umano nila na maibalik ang demokrasya ng kanilang bansa, mapalaya ang mga ikinulong na mga lider, at maibalik sa normal ang kanilang buhay.
Sa ngayon ay wala pang bagong ulat patungkol sa naitatalang COVID-19 sa nabanggit na bansa sapagkat karamihan umano sa mga contact tracing team nila ang nagbitiw na o hindi muna pumasok sa trabaho bilang pakikibahagi na rin nila sa civil disobedience movement.