Dagupan City – Posible umanong hindi pa rin makukumbinsi ang mga Duterte supporters sa ginawang pag-endorso ni Vice President Sara Duterte kay Presidential Sister at Senator Imee Marcos.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Michael Henry Yusingco, Political Analyst, sinabi nito na malaki kasi ang posibilidad na pareho ng iisipin ang mga DDS o Diehard Duterte Supporters sa sinabi ng partner ni Ex-Pres. Rodrigo Duterte’s na si Honeylet Avanceña na pakitang tao lamang ito para makakuha ng boto.

Sa kabila nito, dumistansya naman ang Malacañang na magbigay ng pahayag kaugnay sa pag-endorso ni Vice President Sara kay Sen. Imee.

--Ads--

Matatandaang kumalas sa partido si Sen. Imee noong Marso dahil hindi na umano niya kayang tumindig sa mga platapormang ipinaglalaban sa kampanya ng alyansa — bagay na nirespeto naman ng Malacañang.

Hinggil naman sa ginagawang hakbang umano sa senado ni Imee na pagkwestyon sa pamahalaan, nanindigan si Yusingco na hindi siya ang lubhang apektado kundi ang taumbayan na dapat ay tumatamasa ng magagandang batas ngunit napupurnada lamang.