Dagupan City – Ibinahagi ng isang geopolitical observer ang kaniyang pagsusuri sa mga posibleng ugat ng umiigting na sigalot sa pagitan ng Israel at Iran, na patuloy na binabantayan ng international community.
Ayon kay Denmark Suede, una na rito ay ang umano’y pagde-develop ng Iran ng nuclear bomb — isang alegasyon na matagal nang ibinabato ng United States at Israel laban sa Tehran.
Gayunman, sa kabila ng mga ulat na ito, hindi agad nagkaroon ng direktang pambobomba dahil sa mga naunang kasunduan at diplomatic engagements sa pagitan ng mga bansa at ng international community kaugnay sa nuclear program ng Iran.
Ikalawa, ang isyu ng depensa ng Israel laban sa umano’y banta ng pag-atake mula sa Iran at mga kaalyadong grupo nito sa rehiyon.
Aniya, matagal na rin kasing iginiit ng Israel na kinakailangan nilang tiyakin ang kanilang pambansang seguridad laban sa anumang posibleng paglusob.
Dagdag pa ni Suede, isa rin sa nakikitang malakas na dahilan ang kontrol sa suplay ng langis o pagkontrol sa oil routes sa rehiyon, na may malaking epekto sa pandaigdigang ekonomiya.
Binigyang-diin din nito na bago pa man ang ilang pag-atake, nagkaroon umano ng military drill sa Persian Gulf na kinasasangkutan ng China.
Binanggit din sa pagsusuri ang pagbisita ni Indian Prime Minister Narendra bago ang ilang mahahalagang kaganapan sa rehiyon, gayundin ang mga ulat ng opensibang militar ng Pakistan sa loob ng Afghanistan, na aniya’y nagpapakita ng mas malawak na destabilization o “destruction”.
Dito na binigyang diin ni Suede na isa sa mga posibleng pagkakamali ng Iranian military ay ang pagkakasangkot ng ilang bansang hindi direktang bahagi ng sigalot, na maaaring magresulta sa mas malawak na koalisyon laban sa Iran.
Samantala, sa usapin naman ng intelligence alliance, binanggit nito ang tinatawag na Five Eyes na binubuo ng United States, United Kingdom, Canada, Australia, at New Zealand.
Layunin umano ng alyansang ito ang pagbabahagi ng intelligence information sa isa’t isa at pagsubaybay sa mga banta sa labas ng kanilang grupo.










