DAGUPAN CITY—Nagbabala ang grupong BAN Toxics sa publiko, lalo na sa mga magulang, kaugnay ng umano’y presensya ng mapanganib na kemikal sa ilang mabentang swimming floaters at inflatable pools ngayong tag-init.

Ayon kay Tony Dizon, Campaigner ng BAN Toxics, na sa kanilang pagsusuri, natuklasan ang presensya ng mga delikadong kemikal tulad ng lead, mercury, at cadmium—mga sangkap na ipinagbabawal sa ilalim ng umiiral na regulasyon sa bansa.

Babala ng grupo, ang mga kemikal na ito ay maaaring kumatas o mailabas lalo na kapag naiinitan ang mga produkto sa loob lamang ng ilang araw, na posibleng magdulot ng panganib sa kalusugan.

--Ads--

Bukod dito, natukoy rin ang presensya ng PVC at iba pang kemikal na maaaring magdulot ng hormonal imbalance.

Dahil dito, hinikayat ni Dizon ang publiko na maging mapanuri sa pagbili ng mga produkto, lalo na’t mga bata ang gumagamit ng mga ito.

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng tamang labeling alinsunod sa Toy and Game Safety Labeling Law, kung saan dapat malinaw ang impormasyon hinggil sa kaligtasan at komposisyon ng produkto.

Samantala, nagpaalala rin ang BAN Toxics sa mga beachgoers na maging responsable sa pagtatapon ng basura upang maiwasan ang polusyon sa karagatan.