Masisilayan ng mga Pangasinense ang isang kapana-panabik na palabas sa pagdating ng EuroXtreme Circus na magtatanghal ng world-class extreme live entertainment sa lungsod ng Urdaneta mula Marso 18 hanggang Abril 26, 2026.
Ang nasabing international touring production ay tampok ang mga elite circus artists at stunt performers mula sa iba’t ibang bansa gaya nila Chupetin, Jessica, Kimberly Val at Valen na maghahatid ng kakaibang karanasan sa pamamagitan ng kombinasyon ng tradisyunal na circus acts at makabagong high-energy performances.
Kabilang sa mga dapat abangan ang iba’t ibang nakakabighaning palabas tulad ng comedic clown acts, aerial performances, at matitinding stunt acts.
Tampok din ang “Wheel of Suspense” kung saan nagpapakitang-gilas ang mga performer sa matataas na estruktura, gayundin ang “Globe of Terror” kung saan sabay-sabay na umaandar ang mga motorsiklo sa loob ng isang bakal na bola.
Hindi rin mawawala ang klasikong “Flying Trapeze” na nagpapakita ng kahusayan sa aerial acrobatics, pati na rin ang live FMX motorcycle stunts na siguradong magbibigay ng matinding adrenaline sa mga manonood.
Ang EuroXtreme Circus ay hatid ng Art Box Entertainment sa pangunguna nina Executive Producer at Touring Director Kenneth Lee at President Kimberly Lee. Ipinagpapatuloy nito ang mahabang tradisyon ng kanilang pamilya sa larangan ng entertainment, na sinimulan ng yumaong si Paul L. B. Lee na nagpakilala ng Royal London Circus sa Pilipinas mahigit tatlong dekada na ang nakalipas.
Matapos ang matagumpay na pagtatanghal sa Mindanao at Visayas, dinala naman ngayon ang nasabing palabas sa Northern Luzon upang mabigyan ng pagkakataon ang mga Pangasinense na maranasan ang isang malaking international circus production.
Ayon kay Kenneth Lee, tinitiyak nito ang kaligtasan ng parehong performers at audience sa buong duration ng kanilang pagtatanghal.
Itinayo ang malaking circus tent sa kahabaan ng Urdaneta Bypass Road. Gaganapin ang mga palabas sa Martes hanggang linggo.










