Dagupan City – Nagsagawa ng pagbisita sa mga paaralan sa Pangasinan ang Education Commission II (EDCOM II) sa pangunguna ni Executive Director Dr. Mark Karol Yee upang suriin ang kalagayan ng edukasyon at matukoy ang mga maaaring pang pagbutihin sa pagsisimula ng bagong taong panuruan.
Ayon kay Yee, isinabay nila ang pagbisita sa isang SPED school matapos dumalo sa graduation ceremony ng University of the Eastern Pangasinan upang makita ang sitwasyon ng basic education sa mga pampublikong paaralan at mapag-aralan kung paano maisasakatuparan ang mga rekomendasyon ng EDCOM II para sa sektor ng edukasyon.
Binigyang-diin din niya na hindi lamang mga Local Universities and Colleges (LUCs) ang humaharap sa mga hamon kaugnay ng kalidad ng edukasyon at kahandaan ng mga nagtapos para sa trabaho.
Aniya, kabilang sa mga kinakaharap na suliranin ng mahigit 2,400 higher education institutions sa bansa ang pagpapanatili ng kalidad ng pagtuturo at pagtugon sa mga pamantayan ng Commission on Higher Education (CHED).
Ipinaliwanag ni Yee na mahalaga ang pagsunod ng mga kolehiyo at unibersidad sa mga rekisito at pagkilala ng CHED para sa bawat kurso dahil magkakaiba ang pangangailangan ng bawat programa tulad ng teacher education, hospitality management, engineering, at iba pang larangan. Aniya, kinakailangang tiyakin ng mga institusyon na sapat ang kanilang pasilidad, kagamitan, at mga programang pang-akademiko upang maihanda nang maayos ang kanilang mga mag-aaral.
Sa kabila nito, naniniwala ang EDCOM II na may mahalagang papel ang mga LUC sa pagpapaunlad ng lokal na ekonomiya at pagtugon sa pangangailangan ng komunidad. Dahil direktang pinopondohan at pinangangasiwaan ng mga lokal na pamahalaan, mas mabilis umano nilang natutukoy ang kakulangan ng mga propesyunal sa kanilang lugar at naiaangkop ang mga kursong iniaalok sa pangangailangan ng industriya.
Ayon pa sa EDCOM II, ang mga LUC ay may kakayahang magbigay ng mga programang pang-edukasyon na nakatuon sa mga trabahong kinakailangan sa kanilang komunidad, kabilang ang mga propesyunal sa larangan ng kalusugan, edukasyon, at iba pang espesyal na sektor. Dahil dito, inaasahang mas mataas ang antas ng employability ng kanilang mga nagtapos sapagkat ang pagsasanay na kanilang natatanggap ay naaayon sa pangangailangan ng lokal na merkado.
Patuloy namang isinusulong ng EDCOM II ang mga reporma sa sektor ng edukasyon upang mapahusay ang kalidad ng pag-aaral at matiyak na handa ang mga mag-aaral sa pagpasok sa mundo ng trabaho at sa pagtugon sa mga pangangailangan ng kanilang mga komunidad.










