Patuloy na dumarami ang mga Pilipinong nahihilig sa larong football, lalo na ang mga kabataan, na nagpapakita ng malaking potensyal para sa hinaharap ng isport sa bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Floyd Jofferson Crisologo, AFC B Licensed Football Coach at AFC Level 2 Licensed Futsal
coach na maraming manlalarong Pilipino ang may kakayahang makasali sa mga international tournament, subalit kinakailangan pa nilang magkaroon ng mas maraming karanasan upang makasabay sa mataas na antas ng kompetisyon.

Ayon kay Crisologo, malaki ang tsansa ng mga atletang Pilipino na makalahok at magtagumpay sa mga susunod na pandaigdigang torneo kung mabibigyan sila ng sapat na pagsasanay at suporta.

--Ads--

Aniya, kapansin-pansin na rin ang pagtaas ng interes ng mga kabataan sa football, kung saan may mga batang nasa limang taong gulang pa lamang ang nagsisimula nang matutong maglaro ng naturang isport.

Gayunman, binigyang-diin niya na may mga programa pang kailangang paigtingin upang higit na mapaunlad ang kakayahan ng mga manlalaro. Kabilang dito ang pagbibigay ng mas maayos na pagsasanay, exposure sa mga kompetisyon, at wastong pag-aalaga sa mga atleta.

Ipinaliwanag din ni Crisologo na isa sa mga hamon sa kasalukuyan ay ang kakulangan ng mga beterano at may malawak na karanasan na manlalaro sa lokal na football, dahilan upang minsan ay kinakailangang kumuha ng mga may sapat na kaalaman at karanasan mula sa ibang bansa.

Ginawa ni Crisologo ang pahayag sa gitna ng mga kaganapan sa FIFA World Cup 2026, isa sa pinakamalaki at pinakaprestihiyosong torneo sa mundo ng football, na patuloy na nagbibigay-inspirasyon sa mga kabataang atleta na tahakin ang landas ng naturang isport.