Pinaalalahanan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga mamimili at negosyante na tiyaking sumusunod sa mga umiiral na batas sa kalakalan, lalo na sa pagbili at pagbebenta ng produkto sa online platforms, upang maiwasan ang panlilinlang at iba pang paglabag sa batas.

Ayon kay Natalia Dalaten, Assistant Regional Director ng Department of Trade and Industry Region 1 at Provincial Director ng DTI Pangasinan, marami umanong batas na ipinapatupad ang ahensya tulad ng Business Name Law at ang Consumer Act of the Philippines na sumasaklaw sa iba’t ibang aspeto ng kalakalan kabilang ang mga sales promo.

Ipinaliwanag ni Dalaten na ang mga single proprietor na negosyo ay kinakailangang magparehistro ng kanilang business name sa Department of Trade and Industry, habang ang mga korporasyon at partnership naman ay dapat nakarehistro sa Securities and Exchange Commission.

--Ads--

Binigyang-diin din ng opisyal na mahalagang tiyakin ng mga mamimili ang pagiging lehitimo ng mga online seller bago bumili ng produkto dahil mahirap umanong matunton ang mga negosyong gumagamit ng pekeng pagkakakilanlan o hindi rehistradong pangalan.

Patuloy din umanong nagsasagawa ang ahensya ng information dissemination at mga seminar upang ipaalam sa mga negosyo ang mga bagong patakaran at batas na ipinatutupad.

Hinimok naman ang publiko na manatiling mapagmatyag sa kanilang mga binibili, dahil ang isang mamimiling may sapat na kaalaman ang pinakamainam na protektadong consumer.