DAGUPAN CITY- Inilatag ng mga opisyal mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) Region 1 ang mga bakanteng trabaho sa lokal at internasyonal na sektor sa isang kamakailang aktibidad.

Ayon kay Honorina Dian-Baga, ang Assistant Regional Director ng DOLE R1, layunin ng inisyatibong ito na magbigay ng pagkakataon sa mga naghahanap ng trabaho sa rehiyon, sa pamamagitan ng mga job openings na bakante sa iba’t ibang kumpanya at ahensya, kapwa sa bansa at sa mga banyagang pook.

Sa kabilang banda, binigyang-diin ni Exequiel Ronie Guzman, Regional Director ng DOLE R1, ang kahalagahan ng mga benepisyaryo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), partikular ang mga grumadweyt mula sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

--Ads--

Ayon kay Guzman, ang mga miyembro ng mga pamilyang ito, na ngayon ay may trabaho o pamilya na, ay may kakayahang makahanap ng hanapbuhay sa oras na sila ay mawala sa mga benepisyaryo ng DSWD.

Nagpahayag siya ng kumpiyansa na hindi na mahihirapan ang mga dating benepisyaryo sa paghahanap ng trabaho dahil sa mga oportunidad na handog ng DOLE at DSWD.

Ang naturang partnership, aniya, ay nagsisigurado na ang mga benepisyaryo ay magiging handa sa pagsabak sa mundo ng trabaho at magtataguyod ng isang mas maginhawang buhay para sa kanilang pamilya.

Samantala, ipinahayag ni Teresa Bonavente, ang Chief Labor and Employment Officer ng DOLE R1, ang matagumpay na distribusyon ng mga tulong mula sa gobyerno, kabilang ang mga ayuda na ipinagkaloob sa mga asosasyon.

Ayon kay Bonavente, layunin ng DOLE na maabot ang mga miyembro ng mga asosasyon, at sa kasalukuyan, umaabot sa 80 miyembro ng iba’t ibang asosasyon ang target na matulungan.

Inihayag din niya ang mga aktibidad na isinagawa sa mga lokal na opisina ng DOLE sa Sta. Cruz, Ilocos Sur na mayroong 50 miyembro; San Fernando na may 40 miyembro; Lingayen na may 60 miyembro; at Calasiao na may 50 miyembro.

Ayon kay Bonavente, maraming pay-out na ang naipamahagi sa iba’t ibang field offices ng DOLE upang magbigay ng tulong sa mga manggagawa at komunidad na apektado ng pandemya at iba pang hamon sa ekonomiya.