Mananatili sa kulungan si dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos pagtibayin ng International Criminal Court (ICC) Appeals Chamber ang desisyon ng Pre-Trial Chamber I ng ICC na ilagay siya sa detention facility ng korte.
Ang naturang desisyon ay kaugnay sa kasong crimes against humanity na isinampa laban kay Duterte dahil sa umano’y labis at madugong kampanya laban sa iligal na droga sa Pilipinas na tinaguriang “war on drugs.”
Sa ilalim ng desisyon, pinanatili ng Appeals Chamber ang hakbang ng Pre-Trial Chamber na pansamantalang ikulong si Duterte habang nagpapatuloy ang imbestigasyon at iba pang legal na proseso sa ICC.
Ayon sa ICC, ang pag-aresto at pananatili sa detention facility ay bahagi ng mga hakbang upang matiyak na hindi makakaapekto ang dating pangulo sa proseso ng korte at upang mapanatili ang integridad ng imbestigasyon.
Pinanatili rin nito ang posisyon ng ICC na mayroong sapat na basehan para sa mga kasong inihain laban sa kanya.










