DAGUPAN CITY – Mariing pinabulaanan ni dating Pangasinan 4th District Representative Christopher De Venecia ang mga alegasyong may kinalaman sa umano’y “ghost flood control projects” na isinampa sa Office of the Ombudsman.
Batay sa inilabas na pahayag ng dating mambabatas, sinabi nitong walang katotohanan at walang batayan ang mga paratang sa isinampang kaso.
Matatandaan na nagsampa ng kasong plunder, grave misconduct at malversation of public funds sa Ombudsman ang Samahan ng mga Operator at Tsuper ng Traysikel ng Pangasinan sa pangunguna ng presidente ng grupo na si Jaime Aquino.
Kasama ng dating mambabatas na kinasuhan ay sina Sual Mayor Liseldo Dong Calugay, asawa nito na si Garley Calugay, mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH), at mga kontractor.
Ayon kay De Venecia, lahat ng proyekto na inilunsad sa ilalim ng kanyang termino ay kumpleto ang dokumentasyon, maayos na naisagawa, at naihatid sa mga komunidad na dapat makinabang.
Binigyang-diin din nito ang reklamo ay nagmula kay Jaime Aquino, na aniya’y may mahabang rekord ng pagsasampa ng walang basehang kaso laban sa mga opisyal ng gobyerno.
Aniya, ang complainant na si Aquino ay pinatalsik sa National Press Club dahil sa umano’y paglabag sa mga pamantayang etikal ng pamamahayag, isang bagay na dapat umanong isaalang-alang sa pagtimbang ng kredibilidad ng reklamo.
Dagdag pa ni De Venecia, mismong mga nagrereklamo ang umamin na wala silang ebidensiya at humihiling pa ng imbestigasyon mula sa Independent Commission for Infrastructure at Office of the Ombudsman.
Ibig sabihin, naisampa ang kaso nang walang anumang substansiyang basehan.
Tiniyak ng dating kongresista na handa siyang ilahad ang lahat ng dokumento at ebidensiya upang patunayan ang pagiging lehitimo at maayos na implementasyon ng bawat proyekto sa kanyang distrito.
Sa ngayon, pinag-aaralan na nito ang lahat ng legal na hakbang upang papanagutin ang mga nagkakalat umano ng maling akusasyon, kabilang na ang posibleng civil at criminal cases.










