Kumpirmado ng Bureau of Immigration (BI) na kasalukuyang nasa labas ng Pilipinas si dating House Speaker Lord Allan Velasco.

Ayon sa opisyal na pahayag ng BI, walang umiiral na Hold Departure Order (HDO) o anumang derogatory alert laban kay Velasco na makapipigil sa kaniyang pag-alis sa bansa, bagama’t tumanggi ang kawanihan na magbigay ng karagdagang detalye dahil sa Data Privacy Act.

Ayon naman kay National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag, lumipad patungong Nagoya, Japan si Velasco noong Agosto 30 at nakatakda sanang bumalik noong Setyembre 14, subalit wala pang rekord na siya ay nakabalik na sa bansa.

--Ads--

Sinabi rin ni Matibag na umalis patungong Hong Kong ang misis ni Velasco kasama ang dalawang indibidwal noong Setyembre 24, at wala ring rekord ng kanilang pagbabalik mula sa nakatakdang petsa noong Setyembre 27.

Naganap ang mga ulat na ito matapos humarap sa NBI ang dating security aide ni Velasco na si dating pulis Rodulfo Gracioso Jr. ukol sa kaniyang alegasyon na naghatid siya ng higit P2 bilyon kay Vice President Sara Duterte, P1 bilyon kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, at P100 milyon kay Rep. Paolo Duterte sa utos ng dating Speaker simula noong 2018.