DAGUPAN CITY- Hindi na nagawa pang makaligtas ng isang 42 anyos na padyak driver sa Barangay Poblacion, sa bayan ng San Fabian matapos pagsasaksakin ng kapwa nito driver.
Ayon kay PLt.Col. Danilo Perez, chief of Police ng San Fabian PNP, ang suspek 46 taon gulang, isa itong construction worker at side line lamang ang pagpapadyak, at residente ng Barangay Sagud-Bahley. Habang ang biktima naman ay residente ng Barangay Nibaliw West sa parehong bayan.
Batay sa salaysay ng testigo, habang siya ay nagmamaneho ng kaniyang tricycle, nakita niyang nakikipagtalo ang suspek sa nag-aalmusal na biktima habang may hawak itong kutsilyo. At nauwi na ito sa pananaksak.
Sinubukan ng testigo na pakalmahin ang dalawa, ngunit bigla nang inatake ng suspek ang biktima at nagtamo ito ng tatlong saksak sa tiyan. At matapos ang krimen, kumaripas ng takbo ang suspek upang takasan ito.
Napag-alaman naman na nagsimula ang kanilang alitan sa agawan ng pasahero.
Agad naman dinala ang biktima sa ospital upang mabigyan ng agarang lunas. Naging maayos pa umano ang kalagayan nito sa oras na iyon subalit, kinabukasan ng hapon ay pumanaw ito.
Patuloy naman pinaghahanap ng mga kapulisan ang suspek. Narecober naman ng ginamit na kutsilyo sa pinangyarihan ng pananaksak.
Samantala, mahaharap naman ang suspek sa kasong murder sakaling maghain ng kaso ang pamilya ng biktima.