DAGUPAN CITY- Tagumpay na nakapagsumite ang karamihan ng mga kandidato sa lalawigan ng Pangasinan ng kanilang Statements of Contributions and Expenditures (SOCE) matapos ang nakatakdang halalan.

Ang SOCE ay isang legal na dokumento kung saan iniuulat ng mga kandidato ang kabuuang halaga ng kanilang nagastos at mga natanggap na kontribusyon, kung meron man, sa panahon ng kampanya.

Ayon kay Atty. Ericson Oganiza, Provincial Election Supervisor ng Comission on Elections (COMELEC) Pangasinan, isinusumite ito sa pamamagitan ng hard copy at online o soft copy na porma, bilang bahagi ng kanilang obligasyon matapos pumirma sa Certificate of Candidacy (COC).

--Ads--

Batay sa batas, kailangang maipasa ang SOCE sa loob ng 30 araw matapos ang halalan na ngayong taon ay itinakda hanggang Hunyo 11.

Aniya na wala nang tyansang humabol ang sinumang hindi nakapaghain matapos ang deadline.

Matatandaan na ipinaalala rin ng COMELEC na may limitasyon sa paggastos ng bawat kandidato batay sa bilang ng botante, P3 kada botante para sa mga kabilang sa political party, at P5 kada botante naman para sa mga independent o walang partidong kinabibilangan.