Dagupan City – Ipinagpapatuloy ng Commission on Elections (COMELEC) ang paghahanda para sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Nobyembre 2, 2026, kasabay ng pagpapatuloy ng voter registration alinsunod sa itinakdang calendar of activities.

Ayon kay Maria Lorna Lopo, Election Officer ng COMELEC Sta. Barbara, nananatiling sinusunod ng kanilang tanggapan ang iskedyul ng mga aktibidad at wala pa silang nakikitang anumang pagbabago o paglihis mula rito sa kabila ng mga kumakalat na haka-haka hinggil sa posibleng pagpapaliban ng halalan sa gitna ng krisis na nakakaapekto sa bansa.

Nilinaw din ni Lopo na wala silang direktang kaalaman sa mga espekulasyon at nakatuon ang kanilang tanggapan sa patuloy na proseso ng pagpaparehistro ng mga botante, bilang bahagi ng paghahanda para sa BSKE ngayong taon.

--Ads--

Kasabay nito, muling nanawagan ang COMELEC Sta. Barbara sa mga kwalipikadong mamamayan, lalo na ang mga kabataang may edad 15 pataas para sa SK, na magparehistro na sa lalong madaling panahon.

Hinikayat ang publiko na huwag nang hintayin ang deadline ng voter registration sa Mayo 18, 2026 upang maiwasan ang dagsa ng aplikante at abala sa mga huling araw ng pagpaparehistro.

Patuloy namang isinasagawa ng COMELEC ang iba pang preparasyon upang matiyak ang maayos at ligtas na pagsasagawa ng halalan sa kabila ng iba’t ibang hamon na kinahaharap sa kasalukuyan.