Inabswelto ng Commission on Elections (COMELEC) si Senador Rodante Marcoleta sa mga kasong may kinalaman sa paglabag sa batas sa halalan, ngunit iniutos ng komisyon ang pagsasampa ng reklamo laban sa tatlo sa kanyang umano’y campaign donors noong 2025, kabilang ang dating mambabatas na si Mike Defensor.

Sa isang resolusyon ng En Banc na may petsang Marso 18, pinagtibay ng poll body ang rekomendasyon ng Political Finance and Affairs Department (PFAD) na itigil ang fact-finding investigation laban sa senador.

Nagsimula ang imbestigasyon matapos ang mga pahayag ni Marcoleta sa isang programang pantelebisyon, kung saan ipinaliwanag umano niya ang hindi pagtutugma ng kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) at ng kanyang election expenses.

--Ads--

Ayon sa kanya, nakatanggap siya ng P75 milyon na kontribusyon mula sa mga kaibigan.

Kalaunan, inamin ni Marcoleta sa isang beripikadong position paper na hindi niya idineklara ang nasabing halaga sa kanyang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE), dahil hiniling umano ng mga donor na manatiling anonymous.

Iginiit ng senador na dahil natanggap ang pondo isang buwan bago ang opisyal na campaign period, ito ay maituturing na “personal funds” batay sa tinatawag na Peñera doctrine.

Ayon sa doktrinang ito, ang isang tao ay itinuturing lamang na kandidato sa pagsisimula ng campaign period.

Ayon naman sa PFAD ng COMELEC, nabigo si Marcoleta na sumunod sa Section 109 ng Omnibus Election Code (OEC) na nag-aatas ng detalyadong pag-uulat ng mga kontribusyon.

Gayunman, nilinaw ng ahensya na ang naturang paglabag ay hindi na itinuturing na election offense.

Sa isang interview, ipinaliwanag ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia na ang hindi pagsunod sa Section 109, gaya ng hindi paghahain ng SOCE, ay hindi na nagreresulta sa kasong kriminal kundi administratibong pananagutan lamang.