DAGUPAN, CITY— Pinagbabaril-patay ang isang 68 taong gulang na Brgy. Kagawad sa kahabaan ng Pangasinan-Tarlac road ng brgy. Pogomboa sa bayan ng Aguilar.
Ayon kay PMaj. Gilbert Ferrer, COP ng Aguilar PNP, base sa kanilang imbestigasyon lumalabas na ang biktima ay kinilalang si Remegio Servanda na residente ng Barangay Tampac sa naturang bayan.
Nagmamaneho umano ng kanyang tricycle ang nabanggit na biktima nang ito ay pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang suspek.
Pauwi na umano ang biktima matapos nitong ihatid ang kanyang asawa sa palengke nang inabangan umano ito ng suspek sakay ang isang motorsiklo.
Nang makakuha ng tiyempo ang suspek, doon na nito pinagbabaril ng tatlong beses ang naturang barangay kagawad.
Tinitignan pa ng mga kapulisan ang posibleng motibo ng pamamaril lalo na kung ito ay may kaugnayan sa politika.
Sa ngayon, ay iniimbestigahan na ng Aguilar PNP ang naturang insidente at nangangalap na ng sapat na ebidensya na magtuturo sa nasa likod ng nabanggit na krimen. (with reports from: Bombo Maegan Equila)