Dagupan City – Posibleng mauwi sa blanket denial o pagtanggi sa lahat ng alegasyon ang magiging testimonya ni Vice President Sara Duterte sakaling makumbinsi siyang humarap at magtestify sa impeachment body.
Ayon kay Atty. Joseph Emmanuel Cera, constitutionalist at political analyst, maaaring maging komplikado ang pagharap ni Duterte sa impeachment proceedings dahil may mga constitutional rights pa rin na dapat protektahan ng isang testigo.
Ani Cera, hindi maaaring basta gamitin sa criminal cases ang mga impormasyong maaaring lumabas sa impeachment proceedings. Aniya, nais ng House prosecution na maging unconventional ang kanilang approach sa pamamagitan ng pag-iimbita kay Duterte upang personal na marinig ang kaniyang panig.
Gayunman, hindi aniya dapat alisin sa defense ang discretion kung nais nitong iharap o hindi si Duterte sa impeachment body.
Isa sa mga pangamba ay ang posibilidad na may masabi ang vice president sa congressional proceedings na maaaring hindi direktang self-incriminating ngunit maaari pa ring magkaroon ng implikasyon sa mga susunod na legal na proseso.
Kung sakaling humarap si Duterte sa impeachment body, sinabi ni Cera na maaaring gumamit ang House prosecution ng iba’t ibang estratehiya sa pagtatanong, kabilang ang mga pahayag o kilos ng vice president na maaaring magpakita ng kaniyang character at tendency na madaling mapikon.
Samantala, ipinaliwanag din ni Cera ang usapin sa kinakailangang two-thirds vote ng Senado para sa impeachment conviction.
Binanggit niya ang Avelino v. Cuenco kaugnay ng usapin kung paano bibilangin ang mga senador na hindi na aktibong lumalahok sa impeachment proceedings.
Ayon kay Cera, may jurisprudence na maaaring maging batayan sa pagtukoy kung dapat pa bang isama sa bilang ang mga senador na hindi na nakikibahagi sa paglilitis.
Aniya, kung hindi na kabilang sa aktuwal na proceedings ang ilang senador, maaaring bumaba sa 16 ang kinakailangang boto para maabot ang two-thirds majority, depende sa bilang ng mga senador na patuloy na lumalahok sa impeachment trial.










