Dagupan City – Ibinahagi ng bise alkalde sa Lingayen, Pangasinan ang kahalagahan ng transparency at accountability sa hinihinalang maanomalyang flood control project sa bansa matapos nitong pumirma sa nasabing panukala.

Sa naging panayam ng Bombo Radyon Dagupan kay Lingayen Vice Mayor Jay Mark Kevin Crisostomo ipinaabot nito ang kanyang pasasalamat sa mga kapwa bise alkalde na nakiisa sa panawagan para sa transparency sa mga flood control projects sa bansa.

Aniya, bagama’t may iilan pa lamang sa lalawigan ang aktibong nakikilahok, bukas naman ang programa sa lahat ng nais tumulong sa pagsusulong ng transparency at accountability.

--Ads--

Nilinaw rin ni Crisostomo na hindi ito sapilitan, ngunit mahalaga ang boluntaryong pakikilahok upang maisaayos ang mga proseso.

Inaamin din nito na bagama’t mahirap tukuyin ang kakulangan sa impormasyon kaugnay ng mga anomalya, ngunit ang kagandahan naman ngayon aniya ay nabuksan na ang ganitong mga usapin.

Pabor din si Crisostomo na gawing bahagi ng Local Government Unit at national discourse ang isyu, ngunit iginiit niyang dapat ayusin muna ang programa at sistema.

Aniya, kahit saan pa ito dalhin, kung hindi maayos ang proseso, magiging bulnerable ito sa korapsyon.

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng kumpletong datos, maayos na pagsusuri, at sapat na pananaliksik upang matukoy kung saan at kanino talaga kinakailangan ang mga proyektong flood control.