Naghahanda ang Pamahalaang Bayan ng Binmaley sa posibleng epekto ng El Niño, kabilang ang maaaring maging epekto nito sa kabuhayan at iba pang sektor sa lokal na komunidad.

Ayon kay Mayor Pedro A. Merrera III, mahalagang maagang matukoy ang mga posibleng suliraning dulot ng El Niño upang makapaghanda ng angkop na hakbang at makatulong sa mga sektor na maaaring maapektuhan.

Sa sektor ng edukasyon, sinabi ni Merrera na may mga paaralang naapektuhan ng pagbaha at may nakalaang pondo at mekanismo ang munisipyo para sa kanilang pangangailangan. Kabilang din sa mga hakbang ang pagbibigay ng mga kagamitang makatutulong sa kaligtasan sa paaralan.

--Ads--

Iginiit din ng alkalde ang kahalagahan ng localized suspension of classes sa halip na iisang desisyon para sa buong lugar, dahil magkakaiba ang kondisyon ng panahon sa bawat bayan at maging sa magkakalapit na lugar. Aniya, maaaring malakas ang ulan sa isang bahagi habang hindi naman naaapektuhan ng pag-ulan ang ibang lugar.

Samantala, hinikayat ni Merrera ang mga residente at sektor ng negosyo na manatiling positibo at ipagpatuloy ang mga gawain hangga’t maaari sa kabila ng mga hamon na dulot ng kalamidad. Binanggit din niya ang kahalagahan ng mga hakbang sa pag-iwas at paghahanda upang mabawasan ang epekto ng pagbaha.

Sa sektor naman ng agrikultura at pangisdaan, nakikipag-ugnayan ang lokal na pamahalaan sa Department of Agriculture at mga stakeholder upang matukoy ang kanilang mga pangangailangan at mga hakbang na maaaring gawin para sa kanilang kabuhayan.

Nagsagawa na rin ang munisipyo ng mga pagpupulong kasama ang mga may-ari at kinatawan mula sa sektor ng pangisdaan at agrikultura upang talakayin ang mga posibleng programa at suporta sa harap ng mga hamon na maaaring idulot ng pagbabago ng kondisyon ng panahon.

Binmaley, naghahanda sa posibleng epekto ng El Niño; localized class suspension iginiit