Dagupan City – Kinilala ang Bayan ng Rosales bilang ika-5 na nangungunang munisipalidad sa Region I sa usapin ng Locally Sourced Revenue (LSR), batay sa Statement of Receipts and Expenditures ng Bureau of Local Government Finance (BLGF).

Ang pagkilalang ito ay sumasalamin sa mahusay na pangongolekta ng lokal na kita ng pamahalaang bayan, na nagsisilbing mahalagang pinagkukunan ng pondo para sa pagpapatupad ng mga programa, proyekto, at serbisyong pampubliko para sa mga mamamayan.

Mayroon LSR ang bayan na nasa P90.43 milyon habang nangunguna dito ang bayan ng Sual na mayroong P250.20 milyon, Pangalawa ang San Manuel na may P103.18 milyon , Pangatlo ang Calasiao na may P100.00 milyon at pang apat ang bayan ng Bauang sa La Union na may P92.17 milyon.

--Ads--

Ayon sa pamahalaang lokal ng Rosales, ang tagumpay na ito ay bunga ng patuloy na pagpapatibay ng mga hakbang sa pangongolekta ng kita, mahusay na pamamahala, at maayos na paggamit ng mga pondo ng bayan.

Binigyang-diin din ng lokal na pamahalaan ang patuloy nitong pangako na palakasin pa ang revenue generation, isulong ang mabuting pamamahala, at maghatid ng de-kalidad na serbisyo publiko para sa kapakinabangan ng bawat residente nito.

Sa pamamagitan ng mas matatag na lokal na kita, inaasahang mas mapapalawak pa ang mga proyektong pang-imprastraktura, serbisyong panlipunan, at iba pang programang magpapabuti sa kabuhayan at kalidad ng buhay ng mga residente ng Rosales.

Patuloy namang hinihikayat ng pamahalaang bayan ang pakikiisa ng publiko sa pagsusulong ng transparency, accountability, at responsableng pagbabayad ng mga lokal na buwis at bayarin upang mapanatili ang pag-unlad at patuloy na paglago ng bayan.