Kinumpirma ng pamunuan ng Barangay Caranglaan, Dagupan City na agad nilang inalis sa tungkulin ang isang barangay tanod matapos itong masangkot sa kasong umano’y pang-aabuso sa isang menor de edad. Ayon kay Barangay Captain Gregorio Claveria Jr., ikinagulat ng pamahalaang barangay ang naturang alegasyon dahil wala umanong nakapansin o nagkaroon ng kaalaman tungkol sa insidente noong mga nakaraang taon.

Ipinaliwanag ni Claveria na ang umano’y insidente ay naganap pa noong nakaraang administrasyon at lumabas lamang ang reklamo nang magsagawa ng isang child protection program para sa mga mag-aaral. Sa naturang aktibidad, nabigyan ng pagkakataon ang bata na magsalita at doon umano nabunyag ang sinasabing nangyari. Aniya, malapit sa isa’t isa ang pamilya ng bata at ng suspek bilang magkakapitbahay kaya’t walang naghinala na may naganap na pang-aabuso.

Matapos matanggap ang impormasyon, sinabi ni Claveria na agad na sinunod ng barangay ang tamang proseso. Dinala kaagad ang kaso sa himpilan ng pulisya upang maisagawa ang kaukulang imbestigasyon at legal na hakbang. Kasunod nito ay inalis na rin sa listahan ng mga barangay tanod ang nasabing opisyal habang nagpapatuloy ang pag-usad ng kaso.

--Ads--

Binigyang-diin din ng punong barangay na hindi kinukunsinti ng kanilang pamahalaang barangay ang anumang uri ng pang-aabuso, lalo na laban sa mga bata. Hinimok niya ang mga magulang na maging mas mapagmatyag sa kanilang mga anak at tiyaking alam nila ang kanilang kinaroroonan at mga nakakasalamuha upang maiwasan ang mga kahalintulad na insidente. Aniya, mahalaga ang pagtutulungan ng pamilya, paaralan, at barangay upang maprotektahan ang kapakanan at kaligtasan ng bawat kabataan.