Nakapagtala ng halos 140 indibidwal o katumbas ng 14 pamilya ang ligtas na nailikas sa Barangay Caranglaan sa lungsod ng Dagupan matapos bahain ang ilang mabababang lugar noong nakalipas na mga araw dahil sa epekto ng bagyo at high tide.

Ayon kay Barangay Captain Gregorio Claveria Jr., partikular na naapektuhan ng pagbaha ang mga low-lying area, kaya agad na inuna ng barangay ang paglilikas sa mga residenteng nasa mga lugar na may malakas na agos ng tubig.

Sa tulong ng mga barangay kagawad, tanod at City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), ligtas na nailipat sa barangay evacuation center na nakapuwesto sa isang paaralan ang mga residenteng humiling na lumikas.

--Ads--

Nang humupa ang baha, unti-unti nang nakabalik sa kani-kanilang tahanan ang mga residenteng inilikas.

Umabot umano nang halos apat na araw bago bumaba ang tubig-baha sa kanilang nasasakupan.

Kasabay ng paglilikas ay pinalakas din ng barangay ang health monitoring upang maiwasan ang mga sakit na maaaring idulot ng baha.

Inikot ng mga barangay health worker ang mga komunidad upang mamahagi ng doxycycline na ipinagkaloob sa pamamagitan ng Local Government Unit at City Health Office.

Samantala, mahigit P100,000 ang inilabas na pondo ng barangay matapos ideklara ng Dagupan City ang State of Calamity.

Inilaan ito sa pagbili ng bigas para sa mga residenteng naapektuhan ng pagbaha habang may ibinigay na din na tulong si 4th District Representative Manay Gina De Venecia.

Ni-repack na ng barangay ang mga bigas upang mas maraming pamilya ang maabutan ng tulong.

Inaasahan din umano ang karagdagang relief assistance mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at LGU Dagupan.

Samantala, nanawagan si Claveria sa mga residente na manatili muna sa kanilang mga tahanan kung walang mahalagang dahilan para lumabas upang maiwasan ang exposure sa tubig-baha at posibleng pagkakaroon ng sakit.