Dagupan City – Binigyan ng bagsak na grado ng Bantay Bigas ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., dahil umano sa kakulangan ng mga kongkretong solusyon para sa sektor ng agrikultura.

Ayon kay Cathy Estavillo, tagapagsalita ng Bantay Bigas, nabigo silang marinig sa talumpati ng Pangulo ang malinaw na plano upang tugunan ang matagal nang suliranin ng mga magsasaka at ng industriya ng agrikultura.

Aniya, matagal nang naghihirap ang mga magsasaka at patuloy na nababaon sa utang. Sa halip na maipamana sa kanilang mga anak ang kabuhayan, utang na lamang umano ang kanilang naiiwan.

--Ads--

Iginiit din ni Estavillo na patuloy ang pagtaas ng presyo ng bigas, dahilan upang mapilitan ang ilang pamilyang hindi na kayang bumili nito na kumain na lamang ng dilaw na mais (yellow corn) bilang alternatibo.

Binigyang-diin pa niya na hindi sapat ang mga pansamantalang hakbang o tinawag niyang “band-aid solution” upang maresolba ang kinahaharap na krisis sa agrikultura.

Aniya, kinakailangan ng mga magsasaka at ng sambayanang Pilipino ang pangmatagalan at konkretong mga solusyon upang matiyak ang sapat na produksyon ng pagkain at mapabuti ang kanilang kabuhayan.