Dagupan City – Mas pinaigting ng Dagupan City Police Office (DCPO) ang pagpapatupad ng BANGUS program bilang gabay sa pagbibigay ng mabilis, mahusay, at makataong serbisyo sa publiko, alinsunod sa adbokasiya ng Police Regional Office 1 na palakasin ang kampanya laban sa kriminalidad at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa komunidad.
Ayon kay PCol. Arnold Solomon, City Director ng DCPO, nakabatay ang programa sa kampanyang ALERTO ng Regional Director ng Police Regional Office 1, Police Brigadier General Jovencio S. Badua.
Aniya, ang ALERTO ay nakatuon sa pinaigting na anti-criminality campaign, epektibong pagpapatupad ng batas, pagiging maagap sa pagtugon sa mga pangangailangan ng publiko, at patuloy na pagpapahusay ng organisasyon ng Philippine National Police.
Ipinaliwanag din ni Solomon na ang BANGUS ang nagsisilbing gabay ng bawat pulis sa Dagupan City. Ito ay kumakatawan sa pagiging Brave and Alert, Noble in Duty, Guided with Integrity, Upholding Peace and Order, at Service to God, Country, and People.
Aniya, layunin ng programa na matiyak ang mabilis na pagtugon sa mga insidente at mapanatili ang mataas na antas ng propesyonalismo sa hanay ng mga pulis.
Binigyang-diin din ng opisyal na mahalaga ang pakikiisa ng komunidad sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan.
Aniya, hindi kayang gampanan ng pulisya lamang ang lahat ng responsibilidad kaya kinakailangan ang aktibong pakikipagtulungan ng publiko sa pagbibigay ng impormasyon at pakikilahok sa mga programang pangkapayapaan.
Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos, inaasahang higit pang mapapalakas ang seguridad at kaayusan sa Dagupan City.










