Nakalabas na ng bansa ang wanted na si Charlie ‘Atong” Ang, ayon kay Julie “Dondon” Patidongan, whistleblower sa kaso ng missing sabungero.

Sinabi ni Patidongan na naniniwala siyang wala na sa Pilipinas si Ang.

Iginiit din nito na­ ­hindi umano basta susuko si Ang dahil hindi anya ito “ordinaryong tao” at “international ang kanyang grupo”.

--Ads--

Posible raw na noong Disyembre pa umalis ng bansa ang naturang negosyante.

Sinabi pa nito na sakaling nasa bansa pa si Ang, maaring magtago siya sa mga eksklusibong subdibisyon na pag-aari niya o pag-aari ng mga taong pinagkakatiwalaan at hindi sa mga heneral o sinuman.

Si Ang ay may patong na P10-milyon sa ulo na alok ng Department of Interior and Local Government, itinuturing na “armed and dangerous” ng PNP dahil sa mga baril na hindi pa nito naisusuko, at ikinokonsiderang “fugitive from justice” ng DOJ.

Noong Miyerkules, naglabas ang Sta. Cruz, Laguna Regional Trial Court Branch 26 ng warrants of arrest laban kay Ang at 17 pang akusado sa kasong kidnapping with homicide, na walang inirekomendang piyansa.

Agad nang kumilos ang Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa paghahanap kay Ang at noong Huwebes ay hiniling na nila ang isang Interpol red notice.

Nasundan pa ito ng hiwalay na mga warrant of arrest laban kay Ang at sa 20 pang co-accused na inisyu naman ng Lipa Batangas RTC, sa mga kasong kidnapping with homicide.