Dagupan City – Binati ni US President Donald J. Trump ang apat na astronaut ng Artemis II matapos ang matagumpay nilang siyam‑na‑araw na misyon sa paligid ng buwan at ligtas na splashdown sa karagatan malapit sa San Diego, California.
Ayon sa pangulo, “spectacular” ang buong biyahe at “perfect” ang naging landing ng Orion spacecraft.
Ipinahayag din niya ang pagmamalaki para sa crew na sina Reid Wiseman, Victor Glover, Christina Koch, at Jeremy Hansen, at inimbitahan silang bumisita sa White House sa lalong madaling panahon.
Dagdag pa ni Trump, plano umano nilang ulitin ang misyon at ang susunod na target ay ang planetang Mars, kasabay ng patuloy na suporta ng pamahalaan sa programang Artemis ng NASA.
Ang Artemis II ay nakapagtala ng bagong rekord bilang pinakamalayong distansya na narating ng tao mula sa Daigdig, na umabot sa mahigit 400,000 kilometro, at nagbigay ng mga larawang kuha mula sa lunar orbit kabilang ang tanawin ng “Earthset.”
Ang matagumpay na pagbabalik ng crew ay nakikitang mahalagang hakbang tungo sa Artemis III, na inaasahang magdadala ng mga astronaut sa ibabaw ng buwan sa unang pagkakataon mula pa noong 1972.










