Dagupan City – Kaugnay ng pagdiriwang ng ika-100 anibersaryo ng canonical coronation ng Our Lady of the Rosary of Manaoag Shrine, tiniyak ng lokal na pamahalaan na walang malaking konsumo sa enerhiya sa gitna ng selebrasyon.
Ayon kay Mayor Jeremy Rosario, bagama’t ang okasyon ay malinaw na nakaugat sa pananampalataya at tradisyon ng Simbahang Katolika, hindi maiiwasang mabanggit ang usapin ng pagtitipid at responsableng paggamit ng kuryente, lalo na’t idinaraos ito sa umaga o daytime kung kailan natural na may sapat na liwanag.
Aniya na pasado ito sa pagtitipid kung tutuusin at simbahan ito na hiwalay sa estado. Binigyang diin niya na ito ay patungkol sa faith at hindi luho.
Gayunpaman, may ilang sektor na nagtatanong kung ang malalaking religious events, tulad ng canonical coronation centennial celebration, ay maaari ring magsilbing modelo ng energy conservation.
Iminumungkahi nila na ang paggamit ng mas kaunting ilaw, limitadong sound systems, at mas episyenteng kagamitan ay maaaring maging bahagi ng mensahe ng simbahan sa pangangalaga ng kalikasan.
Sa panig naman ng mga deboto, binibigyang-diin nila na ang selebrasyon ay hindi lamang simpleng pagtitipon kundi isang mahalagang bahagi ng kanilang pananampalataya.
Para sa kanila, ang ganitong mga okasyon ay minsan lamang mangyari sa loob ng isang siglo, kaya nararapat lamang na ito’y paghandaan nang buong puso.
Ayon sa kanila ito ay hindi tungkol sa konsumo ng kuryente kundi sa debosyon, pasasalamat, at pagkakaisa ng mga mananampalataya.










