Maituturing na isang positibong hakbang ang anunsyo ng Ombudsman na nagsasagawa na ng paghahanda para sa posibleng kaso, laban kina dating House Speaker Martin Romualdez at dating Senate President Francis “Chiz” Escudero.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Prof. Roland Simbulan, Chairperson ng Center for People Empowerment in Governance (CENPEG), mahalagang indikasyon ito na may paggalaw ang administrasyon laban sa katiwalian, lalo na’t ang Ombudsman ay itinalaga ng kasalukuyang Pangulo.

Ipinaliwanag din niya na ang pagsasampa ng kasong plunder ay nangangailangan ng matibay na ebidensya at “probable cause,” kung saan kailangang umabot sa hindi bababa sa ₱50 milyon ang halagang sangkot.

--Ads--

Kapag naisampa na ang kaso sa Sandiganbayan, maaari umanong makulong ang mga akusado habang dinidinig pa lamang ang kaso, dahil ang plunder ay itinuturing na mabigat na krimen.

Inihalintulad niya ito sa mga naging kaso noon laban sa mga dating pangulo ng bansa, kung saan kahit hindi pa pinal ang hatol ay nakulong ang mga akusado habang nililitis.

Bukod dito, nakikita rin ni Simbulan ang hakbang bilang posibleng mensahe ng administrasyon na walang sinasanto, kahit pa may malapit na ugnayan sa Pangulo ang ilan sa mga nasasangkot.

Maaari rin umano itong makaapekto sa hinaharap na ambisyong pulitikal ng mga akusado, kabilang ang posibilidad na tumakbo sa halalan sa 2028.

Samantala, binigyang-diin din ni Simbulan na maaaring may kaugnayan ang hakbang sa umiinit na usapin ng impeachment laban sa kasalukuyang Bise Presidente.

Ayon sa kanya, ang pagsasampa ng kaso laban sa matataas na opisyal ay maaaring paraan upang ipakita na walang kinikilingan ang administrasyon.

Gayunpaman, hindi rin inalis ni Simbulan ang posibilidad na may halong pulitika ang mga kaganapan, lalo na’t papalapit ang susunod na presidential elections.

Aniya, maaaring bahagi ito ng mas malawak na estratehiya sa pulitika.

Sa kabila nito, iginiit naman niya na ang pinakamahalaga ay ang pagpapatuloy ng pananagutan at ang pagpapakita na ang batas ay umiiral para sa lahat anumang posisyon o impluwensiya sa lipunan.