Dagupan City – Pinalakas ng Regional Law Enforcement Coordinating Committee 1 ang kampanya laban sa economic sabotage habang naghahanda ng seguridad para sa inaasahang pagdagsa ng mga turista sa Ilocos Region ngayong tag-init.
Inaprubahan ang mas pinaigting na operasyon kontra smuggling at ang pagpapatupad ng Ligtas Summer Vacation o SumVac 2026.
Pinangunahan ito Regional Director, PBGen Dindo R. Reyes kasama ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno at seguridad.
Mula Enero hanggang Marso 2026, nagsagawa ang mga awtoridad ng 22 operasyon laban sa ilegal na sigarilyo na nagresulta sa pagkakasamsam ng P38.5 milyong halaga ng kontrabando at pekeng produkto at pagkakaaresto ng 15 katao.
Nakumpiska rin ang P15.2 milyong halaga ng smuggled na produktong agrikultural sa hiwalay na operasyon.
Kaugnay nito, magtatalaga ng 2,426 na tauhan sa mga pangunahing lansangan, terminal, simbahan, destinasyon ng turista, at mga komersyal na lugar mula Marso 29 hanggang Mayo 31 upang tiyakin ang kaayusan at kaligtasan sa mga okasyong tulad ng Semana Santa at iba pang holiday.
Binigyang-diin ng pamunuan ang kahalagahan ng koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya at lokal na pamahalaan para sa agarang pagtugon sa anumang insidente.










