Inaasahang patuloy nang bababa ang antas ng tubig-baha sa mga low-lying areas ng Dagupan City, bagama’t mabagal pa rin ang pagbaba nito.
Ayon kay Ronald de Guzman, Head ng Dagupan City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), senyales na pababa na ang tubig baha ay ang pagbaba ng water level ng sinukalan river mula sa pagiging critical level .
Sa ngayon ay unti-unti nang humuhupa ang baha ngunit hindi mabilis ang pagbaba dahil sinasalo pa ng Dagupan ang tubig na nagmumula sa bayan ng Calasiao.
Inaasahan naman na pagsapit ng Sabado hanggang Linggo ay magiging passable na sa mga light vehicles ang ilang kalsada sa lungsod, partikular sa mga lugar ng Mayombo at Burgos Street.
Nanawagan din si de Guzman sa mga punong barangay na regular na i-check ang kanilang mga nasasakupan at tiyaking ligtas ang mga electrical facilities. Anumang problema o insidente na may kinalaman sa kuryente ay dapat agad na ipagbigay-alam upang maipaabot sa DECORP.
Samantala, bago tuluyang payagang makabalik sa kanilang mga tahanan ang mga residenteng inilikas dahil sa baha, kailangan munang masuri ang kanilang mga lugar upang matiyak na ligtas na ang paligid at maiwasan ang anumang panganib.










