Nanindigan si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na wala nang anumang allocables o pondo para sa diskresyon ng mga mambabatas sa panukalang 2027 national budget ng ahensya.

Ginawa ni Dizon ang pahayag sa gitna ng pagtatanong ni ACT Teachers Party-list Representative Antonio Tinio hinggil sa ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) ukol sa mga itinuturing na leadership funds at allocables sa mga nakalipas na taon.

Paliwanag ng kalihim, bukod sa pag-alis sa mga allocable ay hindi na rin ginamit ang dating parametric formula sa pagbuo ng pondo.

--Ads--

Sa halip, ibinatay na ang 2027 DPWH budget sa mga mismong proyektong inuuna at inirerekomenda ng mga distrito at rehiyon.

Inihayag pa ni Dizon na nasa 80 porsyento ng mahigit 11,000 proyekto sa panukalang pondo ay may opisyal na endorsement mula sa Regional Development Councils (RDCs), isang malaking pagtaas kumpara sa dating 25% hanggang 30% lamang.

Umaasa ang kalihim na maaprubahan ang naturang budget dahil mas maraming konkretong proyekto ang maipatutupad sa susunod na taon.