Nakikitang dahilan sa nangyaring shooting incident sa bayan ng Villasis ay alitan o away sa pag-aari sa daanan o right of way ng magkakapitbahay.

Ayon kay Pmaj. Edgar Allan Serquiña ang Chief of police ng Villasis Municipal Police Station na nangyari ito ng gabi kamakailan sa Barangay Capulaan.

Kinilala ang biktima na si Corazon Bayaca Agbuya, 61-anyos, may-asawa , at residente sa nasabing barangay habang ang suspek ay si Dominador Muñoz Buado, 59-anyos may asawa, isang magsasaka na kapitbahay ng biktima.

--Ads--

Batay sa imbestigasyon ng kapulisan na ang totoong target ng suspek ay ang kapatid ng biktima na si Jordan Manzano Muñoz, 54-anyos, may-asawa, isa ding magsasaka na kaniyang kapitbahay at napag-alamang may matagal nang away patungkol sa daanan.

Saad pa nito na pauwi na sana ang magkapatid sa kanilang bahay nang makarating sila sa tapat ng bahay ng suspek ay nagpaputok ito ng baril kaya natamaan ang biktima at hindi ang mismong target nito.

Dahil dito nagtamo ng sugat sa kanyang tagirilan ang biktima at agad naman itong isinugod sa ospital habang ang suspek ay agad na tumakbo at tumakas sa isang masukal na lugar ngunit bandang huli ay naaresto din ito sa pamamagitan ng kanyang anak sa araw ding iyon.

Nakuha sa kanyang pangangalaga ang ginamit nito na baril na isang improvised gun na may bala ng shotgun.

Nananatili naman sa kulungan sa Villasis Police Station ang suspek na nakasuhan na ng kasong Frustrated Murder with the use of unlicensed firearm kung saan ito ay may piyansang 200,000 pesos.

Samantala, nagfile din sila ng paglabag sa Omnibus Election Code o Comelec Gun Ban ngunit naabsorb na ito ng kasong inihain sa kanya.

Sa ngayon, nanatili paring nakaconfine sa ospital ang biktima sa kanyang natamong sugat.